Ang NG at NANG

Ang NG at NANG

NG

Walang pagkakaiba ang bigkas ng dalawang katagang ito. Ang gamit ng ng at nang ay higit na madalas pagkamalan kaysa sa kong at kung.

1. Ang pinto ng silid ay nabuksan.

2. Nawala ang mga botones ng baro.

3. Hinog na ang mga bunga ng punong manga.

4. Ang Tatay ay bumili ng bagong sapatos.

5. Si Bienvenido ay kumakain ng gulay at mga bungang-kahoy.

6. Si G. Bernal ay humiram ng kuwalta sa bangko.

NANG

1. Si Nati ay natutulog nang ako’y dumating.

2. Nagsalita nang marahan ang matandang babae.

3. Nang ako’y lumalakad ay biglang umulan.

4. Si Jose ay tawa nang tawa.

5. Si Leon ay wala nang pera.

Ang ng sa unang tatlong halimbawa ay ginagamit na pantukoy na paari at sumasama sa pangngalang nag-aari ng isang bagay. Ang ng sa unang pangungusap ay sumasama sa pangngalang silid, ang silid na may pinto. Sa ikalawang pangungusap, ang ng ay sumasama sa pangngalang baro, ang barong may botones at sa ikatlong pangungusap, ang ng ay sumasama sa pangngalang punong mangga, ang punong manggang may bunga.

4. Ang Tatay ay bumili ng bagong sapatos.

5. Si Bienvenido ay kumakain ng gulay at mga bungang-kahoy.

6. Si G. Bernal ay humiram ng kuwalta sa bangko.

Ang ng sa huling tatlong pangungusap ay ginagamit na pantukoy na palayon at sumasama sa pangngalang siyang tuwirang layon ng pandiwa. Ang pantukoy na ng sa unang pangungusap ay sumasama sa pangngalang sapatos na siyang layon ng pandiwang bumili. Ang ng sa sumusunod na pangungusap ay sumasama sa pangngalang gulay na siyang layon ng pandiwang kumakain at sa huling pangungusap, ang ng ay sumasama naman sa pangngalang kuwalta na siyang layon ng pandiwang humiram.

Ibang-iba naman ang gamit ng nang sa ng. Samantalang ang ng ay pantukoy, ang nang naman ay ginagamit na pangatnig sa hugnayang pangungusap at siyang madalas na salitang pansimula sa sugnay na di-makapag-iisa.

2. Nagsalita nang marahan ang matandang babae.

Ang nang naman sa ikalawang pangungusap ay nag-uugnay sa pandiwa at sa pang-abay. Kung aalisin ang nang sa halimbawa, ang pangungusap ay magiging “Nagsasalita marahan ang matandang babae.” Ang gayong pagpapahayag ay karaniwang naririnig sa mga dayuhang bagu-bago pa lamang nag-aaral ng wika.

3. Nang ako’y lumalakad ay biglang umulan.

Ang nang sa ikatlong halimbawa ay ginagamit ding pangatnig sa hugnayang pangungusap at siya ring pansimula ng sugnay na di-makapag-iisa. Maaaring itanong: “Ano ang pagkakaiba ng nang sa unang halimbawa at nang sa ikatlong halimbawa?” Ang nang sa unang halimbawa ay nangangahulugan ng noon at nagsasaad ng oras o panahon, samantalang ang nang naman sa ikatlong pangungusap ay nangangahulugan ng samantala at binibigyang linaw ang panahong ikinikilos ng pandiwa sa sugnay.

4. Si Jose ay tawa nang tawa.

Ang nang sa ikaapat na pangungusap ay ginagamit ding pangatnig sa dalawang salitang inuulit, ang mga salitang tawa at tawa. Ang nang ay tumutulong sa pagpapahayag kung gaano karami ang ginawang pagtawa ni Jose.

5. Si Leon ay wala nang pera.

Ang nang sa ikalimang pangungusap ay binubuo ng pang-abay na na at ng pang angkop na ng at nagiging nang. Ang nang ay tumutulong sa wala sa pagpapahayag kung gaano karami ang pera ni Leon.

Posted in Wastong Gamit | Tagged , , , , | Leave a comment

Hambingan ng mga Pang-abay

Hambingan ng mga Pang-abay

Ang ilan sa mga pang-abay ay maaari ring magkaroon ng kaantasan sa pagtutulad. Ang mga pang-abay na pamaraang buhat sa mga pang-uri ay babanggitin dito. Basahin ang mga halimbawa sa ibaba.

  1. Si Lucia ay malakas nguni’t napansin naming si Luring ay lalong malakas magsalita kaysa kay Lucia. Datapuwa’t sa buong mag-anak ay pinakamalakas magsalita sa lahat si Aling Ana, ang ina.
  2. Ang kabayong galling sa Batangas ay matuling Noong nakaraang buwan, may isang kabayong galling sa Mindanaw na lalong matuling tumakbo kaysa sa kabayong galling sa Batangas. Nguni’t ang kabayong galling sa Haway ay napatunayang pinakamatuling tumakbo sa lahat ng mga kabayong pag-aari ni Dr. Lopez.

Ang kaantasan ng hambingan ng mga pang-abay ay tulad din ng sa pang-uri. Ang kaantasan ng hambingan ng mga pang-abay ay tatlo: lantay, pahambing at pasukdol.

Ang Kaantasang Lantay

Ang mga pang-abay na nasa kaantasang lantay ay karaniwang mga pang-abay. Ang mga pang-abay na sumusunod ay nasa kaantasang lantay:

Mahusay

Si Lauro ay mahusay tumugto ng gitara.

Maingat

Maingat na iniaayos ng Nanay ang mga damit.

Matalino

Matalinong pinag-aaralan ng duktor ang sakit na tisis.

Masaya

Si Lita ay masayang naglalaro sa bakuran.

Maliksi

Ang sanggol ay maliksing iniligtas ng bumbero.

Ang Kaantasang Pahambing

Tulad ng sa mga pang-uri, ang mga pang-abay sa kaantasang pahambing ay gumagamit din ng mga salitang lalo, higit at magkatulong sa mga salitang kaysakay o sa.

  1. Si Benito ay lalong mahusay tumugtog ng gitara kaysa kay
  2. Mabuting umawit si Rosing kaysa kay
  3. Lalong masayang naglalaro ang mga bata sa bakuran ng paaralan kaysa sa loob ng bahay.
  4. Ang mga Pilipino ay higit na malayang namamahala ng kanilang likas na kayamanan kaysa sa mga Kubano.
  5. Lalong kawili-wiling magsalita si Reyes kaysa kay Santos

Kaantasang Pasukdol

Sa kaantasang ito, ang panlaping pinaka ay ginagamit. Anong mga salita ang inuunlapian nito? Basahin ang mga pangungusap sa ibaba:

Si Julieta ang pinakamagandang umawit sa buong klase.

Ang pistang nakaraan ang pinakamasayang idinaos sa lahat ng pistang bayan.

Si G. Robles ang pinakamalinaw magpaliwanag sa aming mga guro.

Pinakamatuling lumangoy si Alfredo sa buong Kolehiyo ng San Beda.

Mapapansin sa mga halimbawa na ang pinaka ay iniuunlapi sa mga pang-abay na pamaraan. Alin-aling mga pandiwa ang binibigyang uri?

Posted in Hambingan ng mga Pang-abay, Pang-abay | Tagged , , , | Leave a comment

Mga Pamilang na Pahalaga

Kapag pinag-uusapan ang halaga ng bagay na binibili o ipinagbibili, ginagamit ang mga pamilang na sadyang laan ditto. Kapag tinutukoy ang halaga ng bawa’t isang bagay, ang panlaping mang ay ginagamit. Dapat na tandaang mabuti ang gamit ditto ng mang sapagka’t di-karaniwan ang gamit nito bilang panlapi. Basahin ang sumusunod na mga halimbawa:

  1. Ang mansanas ay mangisang
  2. Kami ay mangisang salapi sa trak.
  3. Mangisang piso ang kurbata sa tindahan.

Sa halip ng mangisang piseta, mangisang salapi, mangisang piso, atb., ay lalong palasak ang gamit ng mga sumusunod na nagbibigay ng gayon ding kakahulugan.

  1. Ang mga mansanas ay mamiseta.
  2. Kami ay manalapi sa trak.
  3. Mamiso ang mga kurbata sa tindahan.

Mapapansing ang mang ay nagiging unlapi na ng salapi (halimbawa bilang 2) at dito’y nagkakaroon na ng pagbabago ang buong salita. Sa halip halimbawang sabihing mangpiseta mangsalapi at mangpiso, ay isinusulat na lamang na mamiseta, manalapi at mamiso na ang ibig sabihin ay nagkakahalaga ang bawa’t bagay ng isang piseta, isang salapi at (isang) piso.

Kapag ang pamilang na pahalagang iniuukol para sa isang bagay ay mahigit sa isa, ang panlaping ginagamit ay hindi na mang kundi tig. Basahin ang mga halimbawang sumusunod.

  1. Ang mga panyolito ay tigalawang
  2. Tig-apat na piso ang pabango.
  3. Ang mga lapis ay tiglimang
  4. Ang medyas ay tigatlong
Posted in Mga Pamilang, Pang-uri | Tagged , | Leave a comment

Pamilang na Palansak

Mga Pamilang na Palansak

Ang pamilang na palansak ay ang mga bilang na nagpapahayag nang bukod na pagsasama-sama ng mga tao o bagay. Ang mga pamilang na ito ay karaniwang ipinahahayag sa pamamagitan ng pagulit ng salitang bilang.

Mga halimbawa:

  1. Isa-isang tinawag ng guro ang mga bata.
  2. Lima-lima ang mga pulis sa bawa’t karitela.
  3. Sanda-sandaang piso kung bumili ng aklat si G. Sanchez.

Bukod sa kababanggit na anyo, ang mga pamilang na palansak ay gumagamit din ng panlaping an o han gaya ng mga halimbawang sumusunod:

  1. Isahan ang mga bata kung pumanhik sa hagdan.
  2. Limahan ang bawa’t karitelang sinakyan ng mga pulis.
  3. Sandaanang piso kung bumili ng aklat si. G. Sanchez.

Sa dalawang anyo ng pamilang na palansak na binabanggit sa unahan lalong gamitin ang una… ang anyong nag-uulit sa salitang bilang.

Posted in Mga Pamilang, Pang-uri, Uncategorized | Tagged , | Leave a comment

Pamilang na Pamahagi

Pamilang na Pamahagi

Ang pamilang na pamahagi ay mahahati sa dalawang uri: (a) ang pamilang na bahagi ng isang bagay na buo, at (b) ang pamilang na iniuukol sa dalawa o mahigit sa dalawang tao o bagay.

Ang mga bahagi ng isang buong tambilang ay gumagamit ng panlaping ka na katumbas ng ika.

kalahati (1/2) Isa sa pinagdalawang kabuuan
katlo (1/3) Ikatlong bahagi
kapat (1/4) Ikapat na bahagi
kalima (1/5) Ikalimang bahagi
kanim (1/6) Ikanim na bahagi
Kapito (1/7) Ikapitong bahagi
kawalo (1/8) Ikawalong bahagi
kasiyam (1/9) Ikasiyam na bahagi
kapulo (1/10) Ikasampung bahagi
bahagdan (1/100) Bahagi ng sandaan

 

Kapag ang pamilang na ito ay mahigit sa isang bahagi, gaya ng sumusunod:

Dalawang katlo (2/3)
Tatlong-kapat (3/4)
Apat na kalima (4/5)
Lima at apat na kanim (5-4/6)
Sampu at tatlong kapulo (10-3/10)
Dalawampung bahagdan (20/100)

 

Ang pamilang na iniuukol sa dalawa o mahigit sa dalawang tao o bagay ay gumagamit ng panlaping tig. Kapag ang isang bagay ay nahahati para sa dalawang tao, ang tig ay iniuunlapi sa bilang na dapat tanggapin ng bawat tao.

  1. Tig-anim na piso kayong dalawa.
  2. Si Jose at si Solomon ay tigsandaan.

Kapag mahigit sa dalawang tao ang pinaglalaanan, karaniwang iniuulit ang panlaping tig o kaya’y ang salitang bilang. Mga halimbawa ang sumusunod:

isa Tigi-tig-isa Tig-iisa
dalawa Tiga-tigalawa Tigdadalawa
apat Tiga-tig-apat Tig-aapat
lima Tigli-tiglima Tiglilima
sampu Tigsa-tigsampu Tigsasampu

 

Mapapansing sa pag-uulit ng panlaping tig, sumasama ang unang pantig ng salitang bilang sa panlaping tig: tigi-tigisa, tigsi-tigsiyam, tigwa-tigwalo, atbp.

Posted in Mga Pamilang, Pang-uri | Tagged , , , | Leave a comment

Pamilang na Panunuran

Pamilang na Panunuran

Ang mga pamilang na panunuran ay itinuturing na kasama ng mga pang-uri.  Ang mga pamilang na panunuran ay ginagamit sa mga pangngalang nagkakasunod. Dalawa ang panlaping karaniwang ginagamit sa pagbuo ng mga pamilang na ito: (a) ika at (b) pang.

Ang IKA

Ang panlaping ika ay ginagamit sa lahat ng mga karaniwang bilang maliban sa isa. Sa halip na sabihing ikaisa ay sinasabing una gaya ng halimbawang nasa ibaba:

  1. Ang unang bilang ng palatuntunan ay isang tula.

Hindi natin sinasabing, “Ang ikaisang bilang sa palatuntunan….”

Ang pamilang na panunurang ginagamit saika ay gaya ng mga sumusunod: ikalawa (ikadalawa), ikatlo (ikatatlo), ikapat (ikaapat), ikalima, ikaanim, ikapito, ikawalo, ikasiyam, ikasampu, ikalabing-isa, atb.

  1. Ito ang ikalimang aklat na ibinigay niya sa akin.
  2. Si Luisa ang ikasampung anak ni Mang Goryo.

Kapag ang nalalapian ng ika ay hindi salita kundi tambilang, ang gitling ay ginagamit.

  1. Ika-7 ng umaga nang ako’y umalis.
  2. Ika-10 bahagi ang tinanggap ng manggagawa.

Kung ang ibig ipahayag ay unang oras ng tanghali, hindi isinusulat ng ika-1 ng tanghali kundi sinasabi na lamang na unang oras ng tanghali, atbp.

Ang Pang

Ang unang gamit ng panlaping pang sa pamilang na panunuran ay kung ipinahahayag ang kaukulan ng isang bagay para sa ganito o ganoong bilang.

  1. Ang bangkang ito ay pandalawa (pangdalawa) lamang.
  2. Ang kalesa ay pantatlo (pangtatlo) at hindi panlima.

Sa mga halimbawang kababanggit ay ipinakikilala na ang unang sasakyan ay laan lamang para sa dalawang tao at ang ikalawang sasakyan ay para sa tatlong tao lamang.

Ang ikalawang gamit ng pang ay ang pagbibigay ng kahulugan sa tambilang na inuunlapian at siyang kapupunan ng sinundan.

  1. Ito ang pangalawang (pandalawang) aklat na ipinadala mo sa akin.
  2. Si Bienvenido ang panlimang batang nakalampas sa pagsusulit.

Ang pang ay karaniwang ginagamit hanggang sampu, samantalang ang ika ay nagagamit hanggang makabibilang. Mga halimbawa ng mga pamilang na gumagamit sa panlaping pang:

Una, pandalawa, pantatlo, pang-apat, panlima, pang-anim, pampito, pangwalo, pansiyam, pansampu.

Lubhang mahalagang malaman ang wastong gamit ng ika at pang sa mga pamilang na patakaran.

Halimbawa, sa halip na sabihin nating “Ito ang pampitong daang pisong ibinayad mo” ay sinasabi nating “Ito ang ikapitong daang pisong ibinayad mo.”

Walang gaanong pagkakaibang mapapansin sa gamit ng pampito at ikapito sa salin sa Ingles, di gaya ng sa orihinal.

Posted in Mga Pamilang, Pang-uri | Tagged , , , | Leave a comment

Ang Pandiwa

Ang Pandiwa

Ang pandiwa ay isa sa pinakamahalagang bahagi ng pananalita. Ang panaguri ng pangungusap ay nagkakaroon ng kahulugan sa pamamagitan ng pandiwa.

Sa pag-aaral ng mga pandiwa, mahalagang malaman ang iba’t ibang mga panlaping makadiwa na gaya ng sumusunod:

um -an o –han
um- -in o –hin
ma- i-
mag- ika-
maka- ipa-
maki- ipag-
mapa- ipaki
mang ipakipag-

 

Ang mga panlapi ay mahahati sa tatlong uri ayon sa gamit: unlapi, gitlapi at hulapi.

Ang mga Pawatas

Ang pawatas ay binubuo ng salitang-ugat at ng panlapi. Halimbawa: ang pawatas na umawit ay binubuo ng salitang-ugat na awit at panlaping um, at ang pawatas na magluto ay binubuo ng salitang-ugat na luto at ng panlaping mag-. Ang mga ito ay walang panahunan

Ang anyong pawatas ng pandiwa ay katulad ng anyong pautos na binubuo ng panlapi at salitang-ugat. Iyan ang siyang nagiging saligan sa pagbuo ng iba’t ibang panahunan.

Ang mga halimbawa ng anyong pawatas at pautos ay ang mga sumusunod:

Mga Pawatas (Infinitives) Mga Pautos (Imperatives)
umalis (to leave) umalis (leave)
magluto (to cook) magluto (cook)
itapon (to throw) itapon (throw)
sabihin (to tell or say) sabihin (tell, say)
tawagin (to call) tawagin (call)

 Mga Panahunan

        May tatlong anyo ang mga panahunan: ang pangnagdaan, pangkasalukuyan, at panghinaharap. Sa ganiyang pagkakasunud-sunod ay madaling matatandaan ang mga panahunan ng mga pandiwa.

Ang pandiwa ay nasa anyong pangnagdaan kung ang sinasabi ng pandiwa ay nagawa na, o nakalipas na.

Si Antonio ay umalis kahapon.

Siya ay nagsalita kangina.

Si Nena ay nagsimba.

Ang pandiwa ay nasa anyong pangkasalukuyan kung ang sinasabi ng pandiwa ay ginagawa o nangyayari pa lamang.

Si Gil ay tumutulong sa kaniyang ina.

Iginagalang nila ang matatanda.

Si Paula ay sumusunod sa kaniyang ama.

Ang pandiwa ay nasa anyong panghinaharap kung ang sinasabi ng pandiwa ay gagawin o mangyayari pa lamang.

Si Gloria ay maglilinis ng kanilang bahay.

Aalagaan niya ang sanggol.

Ako ay tutulong sa kanya.

Ang mga Pandiwa sa um

Ang Kaanyuan ng mga Pandiwa sa Um

Ang pandiwa sa um ay binubuo ng salitang-ugat at panlaping um. May dalawang anyo ang pandiwa sa um:

  • ang pandiwang gumagamit sa um na unlapi;
  • at ang pandiwang gumagamit sa um na gitlapi.

Ang mga Pandiwang Gumagamit sa um na Unlapi

Ang um ay ginagamit na unlapi sa mga pandiwang ang salitang-ugat ay nagsisimula sa patinig, gaya ng mga sumusunod:

Mga Salitang-ugat (Word-bases)
alis
akyat
awit
iyak
inom
uwi

Ang mga Pandiwang Gumagamit ng um na Gitlapi

          Ang um ay ginagamit na gitlapi sa mga pandiwang ang salitang-ugat ay nagsisimula sa katinig, gaya ng mga sumusunod:

Mga Salitang-ugat (Word-bases)
gawa
lakad
lukso
sayaw
takbo
tawa

 Ang mga Panahunan ng Pandiwa sa Um

Ang anyo ng pawatas at pautos ng pandiwa sa um ay binubuo ng panlaping um at saka ng salitang-ugat. Ang anyong ito, kahit na hindi tunay na kabilang sa pag-aaral ng panahunan, ay siyang ginagamit na batayan sa pagbuo ng iba’t ibang mga panahuna.

umuwi

lumakad

Ang Pangnagdaan

Ang anyong pangnagdaan ng pandiwa sa um ay iyon ding ayos ng pautos at pawatas.

umuwi

lumakad

  1. Si Luis ay maagang umuwi kagabi.
  2. Si Rosa ay lumakad lamang mula sa Sta. Ana hanggang Pako.

Pangkasalukuyan

Ang anyong pangkasalukuyan ay iyon ding sa pangnagdaan, inuulit lamang ang unang pantig ng salitang-ugat.

Umuuwi

lumalakad

  1. Ang aking ama ay umuuwi araw-araw.
  2. Ang bata ay lumalakad.

Panghinaharap

Ang anyong panghinaharap ay iyon ding salitang-ugat, inuulit lamang ang unang pantig.

Panghinaharap

Uuwi

Lalakad

  1. Uuwi ka ba sa Sabado?
  2. Ako’y lalakad na lamang bukas.

Tandaan:

1.    Ang pawatas ay binubuo ng salitang-ugat at ng panlapi.

2.    Ang pawatas at pautos ng pandiwa ay may iisang anyo.

3.    May tatlong anyo ng panahunan: ang pangnagdaan, pangkasalukuyan at panghinaharap.

4.    Ang anyo ng pangnagdaan ng pandiwa sa um ay katulad ng pawatas at pautos.

5.    Ang pangkasalukuyan ng pandiwa sa um ay iyon ding sa pangnagdaan, inuulit lamang ang unang pantig ng salitang-ugat.

6.    Ang panghinaharap ng pandiwa sa um ay iyon ding salitang-ugat, inuulit lamang ang unang pantig.

 Ang mga Pandiwa sa Mag

Ang anyong pautos at pawatas ng pandiwa sa mag-ay binubuo ng salitang-ugat at ng unlaping mag-.

Mga Salitang- ugat (word bases)
luto
salita
aral
basa
laba

 Ang Pangnagdaan

Sa anyong pangnagdaan, ang mag ay nagiging nag.

  1. Si Andres ay nagsalita sa radyo.
  2. Si Luz ay nagluto ng aming pagkain noong Linggo.
  3. Nag-aral na mabuti ng kaniyang aralin si Gil.
  4. Si Eugenio ay nagbasa ng mga pahayagan.
  5. Naglaba ng mga damit si Ana.

Ang Pangkasalukuyan

          Ang anyong pangkasalukuyan ng pandiwa sa mag ay iyon ding pangnagdaan, inuulit lamang ang unang pantig ng salitang-ugat.

Sa anyong pangkasalukuyan ang mag ay nagiging nag din.

Pangkasalukuyan
nagsasalita
nagluluto
nag-aaral
nagbabasa
naglalaba

 

Tandaan:

1.    Ang anyong pautos at pawatas ng pandiwa sa mag ay binubuo ng salitang-ugat at ng unlaping mag.

2.    Sa anyong pangnagdaan ang mag- ay nagiging nag.

3.    Sa anyong pangkasalukuyan ang mag ay nagiging nag din at inuulit sa unang pantig ng salitang-ugat.

4.    Ang anyong panghinaharap ay iyon ding sa pautos at pawatas inuulit lamang ang unang pantig ng salitang-ugat.

 Ang Pandiwa sa in o hin

        Ang in o hin ay ginagamit na hulapi. Ang hin ay ginagamit na hulapi sa mga salitang may bigkas malumay at mabilis na nagtatapos sa patinig.

Ang in ay ginagamit na hulapi sa mga salitang may bigkas na malumi at maragsa. Ginagamit ding hulapi sa mga salitang nagtatapos sa katinig.

Ang in o hin ay inihuhulapi sa salitang-ugat sa anyong pawatas at pautos.

Pawatas (Infinitive)
isipin
akayin
gawin
sulatin
basahin

 

Salitang-ugat
Isip
Akay
Gawa
Sulat
Basa

Kapag ang salitang-ugat ay nagsisimula sa patinig, ang in o hin sa anyong pangnagdaan ay nagiging unlaping in.

inisip

inakay

Kapag ang salitang-ugat ay nagsisimula sa katinig, ang in o hin sa pangnagdaan ay nagiging gitlaping in.

ginawa

sinulat

binasa

hinagad

sinabi

Ang Anyong Pangkasalukuyan

          Ang anyong pangkasalukuyan ay iyon ding pangnagdaan, inuulit lamang ang unang pantig ng salitang-ugat.

iniisip

inaakay

ginagawa

sinusulat

binabasa

Ang Anyong Panghinaharap

Ang anyong panghinaharap ay iyon ding pawatas at pautos, inuulit lamang ang unang pantig ng salitang-ugat.

iisipin

aakayin

gagawin

susulatin

babasahin

 

Tandaan:

1.    Ang anyong pawatas at pautos ng pandiwa sa in o hin ay binubuo ng salitang-ugat at ng hulaping in o hin.

2.    Ang in ay inihuhulapi sa salitang-ugat na may bigkas na malumi o maragsa at sa mga nagtatapos sa katinig.

3.    Ang hin ay inihuhulapi sa salitang ugat na may bigkas malumay o mabilis at nagtatapos sa patinig.

4.    Sa anyong pangnagdaan ang in o hin ay nagiging unlaping in kapag ang salitang-ugat ay nagsisimula sa patinig.

Ang in o hin ay nagiging gitlapi kapag ang salitang-ugat ay nagsisimula sa katinig.

5.    Ang anyong pangkasalukuyan ay iyon ding pangnagdaan, inuulit lamang ang unang pantig ng salitang-ugat.

6.    Ang anyong panghinaharap ay iyon ding anyo ng pautos at pawatas, inuulit lamang ang unang pantig ng salitang-ugat.

 Ang mga Pandiwa sa an o han

        Kagaya ng panlaping in o hin, ang an o han ay ginagamit na hulapi. Ang an ay inihuhulapi sa mga salitang may bigkas na maragsa.

Ginagamit din itong hulapi sa mga salitang nagtatapos sa katinig. Ang han ay inihuhulapi sa mga salitang may bigkas na malumanay o mabilis.

haba habaan
gawa gawan
tahi tahian
takip takpan
tanim taniman
dala dalhan
bili bilhin
sama samahan

Ang mga anyong pawatas at pautos ay binubuo ng salitang-ugat at hulaping an o han.

Pautos Pawatas
akyatan akyatan
samahan samahan
hatian hatian
asahan asahan
Walisan walisan

 Ang Pangnagdaan

        Ang anyong pangnagdaan ay iyon ding sa pawatas at pautos at saka nilalagyan ng unlapi o kaya’y gitlaping in.

Ang in ay ginagamit na unlapi kapag ang salitang-ugat ay nagsisimula sa patinig.

inakyatan
inasahan
sinamahan
hinatian
winalisan

Ang Anyong Pangkasalukuyan

Ang anyong pangkasalukuyan ay iyon ding pangnagdaan, inuulit lamang ang unang pantig ng salitang-ugat.

inaakyatan
inaasahan
sinasamahan
hinahatian
winawalisan

 Ang Anyong Panghinaharap

Ang anyong panghinaharap ay iyon ding sa pawatas at pautos, inuulit lamang ang unang pantig ng salitang-ugat.

aakyatan
aasahan
sasamahan
hahatian
Wawalisan

Tandaan:

1.    Ang an at han ay ginagamit na hulapi.

2.    Ang an ay inihuhulapi sa mga salitang may diing malumi, o maragsa at sa mga salitang nagtatapos sa katinig.

3.    Ang han ay inihuhulapi sa mga salitang may diing malumay o mabilis na nagtatapos sa patinig.

4.    Ang anyong pangnagdaan ay iyon ding sa pawatas, nilalagyan lamang ng unlapi o gitlaping in.

5.    Ang anyong pangkasalukuyan ay iyon ding pangnagdaan, inuulit lamang ang unang pantig ng salitang-ugat.

6.    Ang anyong panghinaharap ay iyon ding sa pawatas, inuulit lamang ang unang pantig ng salitang-ugat.

 Ilang Pantulong

        Ilan ang pandiwa sa pangungusap? Alin-alin ang mga pandiwa?

Si Eugenio ay nagdidilig ng halaman.

Ang ay ay pandiwang pantulong na tumutulong sa pandiwang nagdidilig.

Ang pandiwang nagdidilig ay tinatawag na pandiwang pamadya.

Pag-aralan ang gamit ng mga pantulong na ibig, maaari at bagay sa mga pangungusap.

  1. Ibig niyang magsabi ng totoo.
  2. Maaaring makatapos siya ng pag-aaral.
  3. Bagay tayong magpakabait.

Alin ang tinutulungan ng ibig?

Alin ang tinutulungan ng maaari?

Alin ang tinutulungan ng bagay?

Ang magsabi, makatapos at magpakabait ay nasa anyong pawatas.

Ang mga salitang dapat, kailangan, nais, nasa, balak, hangad, mithi at tangka ay ginagamit ding mga pantulong at halos kadiwa ng pantulong na ibig

Tandaan:

1.    Ang pandiwa ay nagsasaad ng kilos at galaw.

2.    Ang pandiwa ay binubuo ng salitang-ugat at ng panlaping makadiwa.

3.    Ang pandiwa ay may tatlong panahunan: pangkasalukuyan, pangnagdaan, panghinaharap.

4.    Ang um ay unlapi kung ang salitang-ugat ay nagsisimula sa patinig.

Ang um ay gitlapi kung ang salitang-ugat ay nagsisimula sa katinig.

5.    Ang mag- ay unlapi. Ito’y nagiging nag- sa pangkasalukuyan at pangnagdaan. Nagiging mag- sa panghinaharap.

6.    Ang an at in ay hulapi sa mga salitang malumi at maragsa at sa mga nagtatapos sa katinig.

7.    Ang han at hin ay hulapi sa mga salitang malumay at mabilis na nagtatapos sa patinig.

.

Posted in Ang Pandiwa | Tagged , , , , , , , , , , , | Leave a comment

Ang Pang-uri

Ang pang-uri ay bahagi ng panalitang nagbibigay-turing sa pangngalan o panghalip.

Hambingan ng mga Pang-uri

Ang kaantasan ng hambingan ay tatlo. (1) lantay, (2) pahambing, at (3) pasukdol.

Lantay

Ang karaniwang pang-uring nagbibigay-uri sa pangngalan o panghalip ay napapailalim sa kaantasang lantay.

  1. Ang buwan ay maliwanag.
  2. Malinis ang inyong bahay.

Kaantasang Pahambing

Ang kaantasang pahambing ay mahahati sa dalawang uri: (a) pahambing na magkatulad at (b) pahambing na di magkatulad.

(a) Pahambing na Magkatulad

Ang mga pang-uring nasa pahambing na magkatulad ay gumagamit ng ilang mga panglapi upang maipakilala na ang dalawang bagay ay magkauri o magkatulad.  Ang mga panlaping ito ay ang sing, kasing, magsing, at magkasing.  Kapag ang salitang-ugat na inuunlapian ng mga panlaping ito ay nagsisimula sa d, l, r, s, at t, and nasabing mga panlapi ay nagiging sin, kasin, magsin at magkasing.  Ang pagbabagong ito ay maipaliliwanag na mabuti sa pamamagitan ng mga halimbawang sumusunod:

  1. Ang bahay ninyo ay kasinlaki ng aming bahay.
  2. Si Berto ay sintaas ni Pabling.
  3. Magsindami ang tao sa Hagonoy at Malolos.

Nguni’t kapag ang salitang-ugat naman ay nagsisimula sa titik b at p, ang panlapi ay nagiging sim, kasim, magsim at magkasim.

  1. Simbango ng sampagita ang kampupot.
  2. Si Luisa ay kasimbait ni Maria.
  3. Magsimbata si Elias at si Badong.

Kapag ang salitang-ugat ay nagsisimula sa titik na iba sa mga binabanggit sa unahan, ang mga panlaping sing, kasing, magsing, at magkasing ay hindi nagbabago, gaya ng mga pang-uri sa mga halimbawang sumusunod:

  1. Magkasingmahal ang damit na binili nating dalawa.
  2. Singganda ni Lydia si Lusing.

(b) Pahambing na Di-Magkatulad

Ang pang-uring ginagamit sa paghahambing ng dalawang bagay na di-magkatulad ay sinasamahan naman ng ibang mga salita.  Ang mga salitang lalo, higit, di-gasino, at di-lubha ay ginagamit sa unahan ng pang-uri at tinutulungan sa hulihan ng kaysa, gaya, at tulad.

  1. Si Lita ay lalong marunong kaysa kay Delia.
  2. Ang mansanas ay higit na mahal kaysa tsiko.
  3. Si Doro ay di-gasinong mayamang tulad ni Belong.
  4. Ang bato ay di-gaanong mabigat na tulad ng bakal.

Maaari rin namang huwag nang gamitin ang lalo at higit sa mga pang-uring pahambing na di-magkatulad gaya sa mga pangungusap na sumusunod:

  1. Si Lita ay marunong kaysa kay Delia.
  2. Ang mansanas ay mahal kaysa tsiko.

Subali’t ang gamit ng lalo at higit sa mga pang-uring nasa kaantasang pahambing na di-magkatulad ay nagbibigay-tingkad sa diwang ipinahahayag.

Kaantasang Pasukdol

Ang pang-uring nasa kaantasang pasukdol ay naghahambing ng tatlo o mahigit sa tatlong bagay. Upang maipahayag ang kaantasang ito, ginagamit ang panlaping pinaka at gayon din ang kabilaang panlaping ka-an, han sa mga salitang-ugat ng pang-uring inuulit.

  1. Si Claro ang pinakamatalinong lalaki sa bayang ito.
  2. Ang Mayon ang kaganda-gandahang bulkan sa buong Pilipinas.
  3. Ang aming bahay ay pinakamaliit sa buong nayong ito.
  4. 4. Si Pidong ang katamad-tamaran sa lahat ng anak na lalaki nila.
Posted in Pang-uri | Tagged | Leave a comment

Ang Pang-abay

Ang pang-abay ay isang bahagi ng panalitang nagbibigay-turing sa pandiwa, sa pang-uri at sa kapuwa pang-abay.

Ang mga pang-abay na sumasagot sa tanong na kalian ay tinatawag na pang-abay na pamanahon.

Ang mga pang-abay na pamanahon ay ginagamit sa mga pangungusap na sumusunod:
1.      Ang tatay ay maagang dumating.
2.      Binasa mo na ba ng iyong bagong aklat?
3.      Ang mga panauhin ay dumating agad.
4.      Si Aling Orang ay matagal na maysakit.
5.      Ang bata ay mahina pa.

Ang mga pang-abay na maaga, na, agad, matagal, at pa ay mga pang abay pamanahon.

Ang mga Pang-abay na Pamaraan

Gaya ng pangalan ng uring ito ng pang-abay, ang pang-abay na pamaraan ay nagsasabi ng paraan ng kilos o anyo ng pandiwa.

Ang karaniwang ginagamit na pang-abay na pamaraan ay mga pang-uring nagsasabi ng paraan ng pagkaganap ng pandiwa

1.      Ang pare sa aming bayan ay malinaw magsalita
2.      Matuling tumakbo ang kabayong nabili ni G. Mapa.
3.      Masarap bang magluto ang iyong ina?

Bukod sa mga uri ng pang-abay na binabanggit sa itaas, ang mga pang-abay na pamaraang sumusunod ay ginagamit din:

Bahagya
Bahagya nang makapagsalita ang binata.

Halos
Ang matandang babae ay halos mapaiyak

Kusa
Ang mga kapatid na babae ni Alberto ay kusang umalis upang tumira sa ibang bahay.

Bigla
Ang Tiyo Siso ay biglang nagpaalam at iniwan kami sa kusina.

Ang pang-abay na pamaraan ay nagsasabi ng paraan ng kilos o anyo ng pandiwa.  Ito ay tumutugon sa tanong na paano

Iba Pang Mahahalagang Pang-abay
1.      Marahil ay sasama si Dolores sa paglalakbay sa Tagaytay.
2.      Tila babagsak ang malakas na ulan.
3.      Ikaw ba ay handang tumulong sa amin? Oo.
4.      Ang panauhing tagapagsalita ay hindi darating.
5.      Ang matandang lalaki ay di nagugutom, gayong hindi kumakain.
6.      Si Amelia’y hindi umalis pagka’t hindi siya pinayagan.

Ang mga pang-abay na marahil at tila ay nagsasaad ng pag-aalinlangan at nagbibigay-uri sa mga pandiwang sasama at babagsak.  Ang mga ganitong uri ng pang-abay ay tinatawag na pang-abay na pang-agam.

Ang oo ay pang-abay na nagsasaad ng pagsang-ayon o pagpayag.  Ang ganitong uri ng pang-abay ay pang-abay na panang-ayon.  Ang pang-abay na hindi o ang padaglat na di ay nagpapakilala naman ng pagsalungat sa sinasabi ng pandiwa. Ang pang-abay na ito ay tinatawag na pang-abay na pananggi.

Ang pang-abay na pang-agam ay nagsasaad ng pag-aalinlangan: tila, marahil, yata, baka..

Ang pang-abay na panang-ayon ay nagsasaad ng pag-sang-ayon: oo, opo, totoo, tunay, talaga.

Ang pang-abay na nagpapakilala ng pagsalungat at pagbabawal ay tinatawag na pang-abay na pananggi: hindi, huwag, wala, ayaw, aywan.

Posted in Pang-abay | Tagged | Leave a comment

Ang Panghalip

Ang panghalip ay salitang ginagamit na panghalili sa pangngalan.

Ang mga Panghalip na Panao

Basahin ang mga pangungusap na sumusunod:

Nagkaisa ang magkakaibigan na sila ay tutungo sa Pansol.

Tinawag ni Bella ang kaniyang kapatid.

Maring, sasama ka ba sa amin?

Ang mga panghalip na sila, kaniya, ka at amin ang ginagamit na panghalili sa mga pangalan ng tao.  Ang mga ito ay tinatawag na panghalip na panao.

Ang mga panghalip na panao ay nasa tatlong panauhan: 1) unang panauhan, 2) ikalawang panauhan, at 3) ikatlong panauhan.

Ang unang panauhan ay tumutukoy sa taong nagsasalita.

Ako ay nagtungo sa Plaridel noong Sabado.  Kasama ko ang aking kapatid na babae. Kami ay sumakay sa bus.  Dumating kami sa aming bayan nang magiika-10 ng umaga.

Ang ikalawang panauhan ay tumutukoy sa taong kinakausap.

Ikaw ay inaanyayahan ko sa aking kaarawan.  Isama mo ang iyong mga kapatid.  Inaasahan ko kayo bukas ng hapon.  Ang iyong mga pinsan ay darating din.

Ang ikatlong panauhan ay tumutukoy sa taong pinag-uusapan.

Si Mang Pastor ay maraming kamag-anak na dumadalaw sa kaniya.  Sila ay palaging pumupunta sa kaniyang tahanan.  Nagdadala sila ng iba’t ibang bungangkahoy.

Ang Kailanan ng mga Panghalip Panao

  Isahan Dalawahan Maramihan
Unang Panauhan ako kata, kita tayo, kami
  akin, ko kanita, ta atin, natin
      amin, namin
Ikalawang Panauhan ikaw, ka   kayo
  iyo, mo   inyo, ninyo
Ikatlong Panauhan siya   sila, kanila
  kaniya   nila

Kaukulan ng mga Panghalip

Ang kaukulan ay mahahati sa tatlong uri 1) kaukulang palagyo,  2) kaukulang paari at 3) kaukulang palayon.

Kaukulang Palagyo

Ang panghalip ay nasa kaukulang palagyo kung ginagamit na simuno ng pangungusap.  Ang panghalip na kaukulang palagyo ay maaaring pauna at maaaring pahuli.  Tinatawag na pauna ang panghalip kung ito ay siyang nangunguna sa pangungusap.  Tinatawag na pahuli kung may ibang salita o mga salitang nauuna sa panghalip.

Pauna:

  1. Siya ay mahusay tumugtog ng piyano.
  2. Kami ay mag-aaral na mabuti ng aralin.

Ang anyo ng mga panghalip sa una at ikatlong panauhang tulad ng mga nasa unahan ay hindi nagbabago kahit na gamiting pahuli.

  1. Mahusay siyang tumugtog ng piyano.
  2. Mag-aaral kaming mabuti ng aralin.

Ang siya at kami ay nananatili sa dating anyo maliban na lamang sa paggamit ng pang-angkop na -ng na sadyang kailangan sa ugnayan ng dalawang salitang magkasunod.

Nguni’t ang panghalip sa ikalawang panauhan ay nagbabagong-anyo kapag ginagamit na pahuli.

Pauna:

  1. Ikaw ay maglinis ng bahay.
  2. Ikaw ay masipag na bata.

Pahuli:

  1. Maglinis ka ng bahay.
  2. Masipag kang bata.

Pauna

  1. Ikaw ay mapalad, Jose.
  2. Ikaw ba ay dadalo sa palatuntunan?

Pahuli

  1. Mapalad ka, Jose.
  2. Dadalo ka ba sa palatuntunan?

Ang panghalip na ikaw ay nagiging ka kapag ginagamit na pahuli.

Kaukulang Palagyo

  Isahan Maramihan
Unang Panauhan ako kami, tayo
Ikalawang Panauhan ikaw, ka kayo
Ikatlong Panauhan siya sila

 

Kaukulang Paari

Ang panghalip ay nasa kaukulang paari kapag nag-aari ng isang bagay.

  1. Ang aklat na ito ay akin.
  2. Iyo ang barong ito.
  3. Ang magandang bahay na iyan ay kanila.

Kapag ang panghalip na paari ay sinusundan ng pangngalan, ito ay tinatawag na panghalip na makauri ayon sa gamit.

  1. Ang aking pluma ay bago.
  2. Ang iyong ina ay bata pa.
  3. Nakita ko na ang kanilang bayan.

Sa mga panghalip na makauri (na sadyang mga panghalip ding paari) ay may mga pagbabagong nangyayari kapag ang panghalip ay nauuna at nahuhuli sa bagay na inaari.

Pauna:

  1. Ang aking orasan ay nawala.
  2. Ang aming guro ay may sakit.
  3. Ito ay iyong sinsing.

Pahuli:

  1.  Ang orasan ko ay nawawala.
  2. Ang guro namin ay may sakit.
  3. Ito ay sinsing mo.

Kaukulang Paari

  Isahan Maramihan
Unang Panauhan akin, ko amin, namin
    atin, natin
Ikalawang Panauhan iyo, mo inyo, ninyo
Ikatlong Panauhan kaniya, niya kanila, nila

Kaukulang Palayon

Ang panghalip na panao ay nasa kaukulang palayon kapag ginagamit na layon ng mga pang-ukol at gayon din naman kapag sumusunod sa mga pandiwang nasa tinig na balintiyak.

  1. Si Delpo ay tumawag sa akin.
  2. Ang bulaklak na ito ay para sa iyo.
  3. Ang kuwento ay binasa ko.

Ang panghalip panao sa kaukulang palayon ay iyon ding ginagamit sa kaukulang paari.

Upang malamang madali ang mga panghalip na nasa kaukulang palayon, kailangang malagay ang pangungusap sa karaniwang ayos at makilala ang simuno at panaguri.

Posted in Ang mga Panghalip na Panao | Tagged , , , , | Leave a comment